(via Kabataan Partylist Southern Tagalog)

KABATAAN, IPAGPATULOY ang DIWANG MAKABAYAN

na PINAGLIYAB ng KAMATAYAN ni NINOY!
TUTULAN ang KONTRA-MAMAMAYANG PATAKARAN ni NOYNOY!
HINDI SAYANG ang MAMATAY para sa MAMAMAYAN

     Aug 21, 1983 – pinaslang si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Bilang kinikilalang oposisyon sa mga palakad ni Ferdinand Marcos, ang kamatayan ng isa sa pinaka batang naging senador ng bansa ay nagsilbing inspirasyon para sa maraming kabataan at mamamayan na bawiin ang kapangyarihan at karapatang ipinagkait ng batas militar. Taong 1986, kanilang napatalsik ang diktador. Hanggang sa kasalukuyan, hindi napapawi sa ating alaala ang sambit ni Ninoy, The Filipinos are worth dying for.” (Hindi masasayang ang kamatayang alay sa mga Pilipino.)

     Makalipas ang mahigit tatlong dekada, isang anak ni Ninoy ang siyang pangulo ng bansa. Subalit, nananatili ang pagdarahop dulot ng pagpapabaya at pang-aabuso. Malubha pa, higit na naging matingkad ang pagsasamantala sa ating mga kababayan kung kailan napakarami ang nasalanta ng nagdaang pagbagyo, pag-ulan at pagbaha.

MARAMING MAMAMAYAN ang NAMAMATAY

     May 74,000 pamilya sa Timog Katagalugan  sng nasalanta ng bagyong Gener at hanging Habagat ayon sa impormasyong nakalap ng grupong Southern Tagalog Serve the People Brigade. Hindi pa kasama sa bilang na iyan ang maraming hindi pa naitatala. Samantala, umabot sa 60 ang namatay sa buong bansa . Karamihan ng mga apektado ay mga maralitang naninirahan sa mga tabing-dagat, lawa at ilog. Itinulak sila ng kawalan ng ikabubuhay at mahirap na kalagayan upang manirikan sa mga lugar na ito. Dahil sa kawalang kakayahang tustusan ang papalaking gastusin, lalo silang bulnerableng magkasakit, at maanuran ng bahay, ari-arian at bangka. At habang naging madalas ang suspensyon ng klase, hindi naman tumigil ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihn. Noong Agosto 7, halimbawa, ay tumaas ang presyo ng gasolina mula ng Php 0.80 kada litro. Nagtaas din ang presyo ng kuryente.

     Habang noo’y nanawagan si Ninoy at ang iba pang kabataan at mamamayan ng isang pamahalaang naglilingkod sa mga Pilipino, ngayon nama’y higit na naging lansakan ang pagpapabaya sa hanay ng mga nanunungkulan na siya dapat magtitiyak na malayo sa kapinsalaan ang kabataan at mamamayan.

PINABABAYAAN ang MAMAMAYAN

     Isang matingkad na halimbawa mismo ang administrasyong Aquino:

  1. Hindi niya prayoridad ang paghahanda sa mga sakuna. Pinigilan pa niya ang mga ahensya ng gubyerno sa paggamit ng calamity fund para dito. 
  2. Hindi niya pinagbabawalan ang mga kumpanyang nangangasiwa sa mga hydro-electric dams na pataasin nang higit sa kailangang antas ang tubig sa mga ito, na siya nilang kalakaran para mapalaki ang kakayahang lumikha ng kuryente mula sa lakas ng tubig habang di gumagastos nang malaki. Sa gayon, nakatitipid sila habang nakapagpapalaki ng singilin sa pagbebenta ng kuryente. Kaya naman, madalas na umapaw ang mga dam at kailangang buksan ang mga flood gates, na siyang nagpapalubog sa mabababang lugar sa baha. 
  3.  Hindi ito nagsagawa ng malakihang operasyon upang tanggalin ang burak sa mga lawa at lagusan ng tubig. 
  4. Hindi ito nagsagawa ng signipikanteng pagsisikap upang malawakang matamnan ng puno ang ating nakakalbong kagubatan. 
  5. Kinansela nito ang mga proyektong pangkontrol ng baha nitong maagang bahagi ng taon.
MAMAMAYAN ang SINISISI sa KALAGAYANG SILA ang BIKTIMA

     Subalit ang higit na malala, upang pagtakpan ang kanilang kapabayaan ay ipinapasa pa ng mga nasa katungkulan at maging ng mga nasa mass media ang sisi sa mismong mga maralita! Diumano’y sila ang sanhi ng pagkipot ng mga lagusang-tubig at pagbaha. Ang Pang. Aquino mismo, anak ni Ninoy, ay nangunguna sa pagpaparatang sa maralita sa paglubha ng pagbaha. Kaya naman, ang kanyang solusyon ay malawakang demolisyon!

     “I have just received instructions from the President that if push comes to shoves, we will have to blast these houses.” (Katatanggap ko lamang ng atas mula sa Pang. Aquino na kung magkakamatigasan, kailangang pasabugin namin ang mga bahay na ito.) – Ito mismo ang pahayag ni DPWH Sec. Rogelio Singson hinggil sa mga kabahayan ng may 195,000 tirahan sa tabi ng mga lagusang-tubig sa Kamaynilaan at sa paligid ng Lawa ng Laguna. Ang kakatwa, karaniwang ang mga relocation site na iniaalok sa mga maralita ay mga bahain ding lugar, at malayo sa mapagkukunang-trabaho. Samantala, sa pagpapatalsik sa mga maralita sa mga tabing-lawa at ilog ay lalo lamang mabubuksan ang mga lugar na ito sa mga pribadong korporasyon sa ilalim ng public-private partnership program. Karaniwang ang mga korporasyong ito ay hindi pinapatawan ng mahihigpit na regulasyon.

ITINUTULAK ang MAMAMAYAN sa NAKAMAMATAY na KALAGAYAN

     Masasabi pa ngang hindi lamang basta pabaya ang administrasyong ito, kundi responsable pa nga sa pagbaha. Taliwas sa opinyon ng ilan na ang nagdulot ng pagbaha nitong buwang ito ay ang mga maralita, iba ang ipinapakita ng katotohanan:

  1. Patuloy ang lantarang pagkalbo at pagpatay sa ating kagubatan ng mga korporasyon sa pagmimina at pagtotroso na patuloy na ineengganyo ng administrasyong Aquino na mamuhunan sa ating bansa, bagamat wala naman silang signipikanteng kontribusyon sa ating ekonomya. 
  2. Patuloy ang pagpapalit-gamit ng lupa para sa mga plantasyon, subdivisioneco-tourism projects at rancho ng mga dayuhang kumpanya at mga malalaking haciendero tulad ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Lalo lamang nitong pinupwersa ang mga taga-kanayunan na lumikas at mapadpad kahit sa mga lugar na peligrong bahain.
  3. Kalakaran din ng administrasyong ito ang pagpapababa ng sahod at kawalang programa para sa katiyakan ng empleyo, kaya lalong maraming Pilipino ang naghihirap at nagiging bulnerable sa mga sakuna. Sa madaling salita, ang administrasyong Aquino pa ang nagtutulak ng pagkawasak ng kapaligiran at kabuhayan nating mga Pilipino, at ng kinabukasan ng kabataan.
     Mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas mula nang paslangin si Ninoy. Bilang kabataan, ating ipagpatuloy ang diwang makabayan na pinagliyab ng kanyang kamatayan. Ating hamunin ang administrasyong ito na tigilan ang pagpapabaya, pang-aabuso at pagbabaling ng sisi sa mamamayang dapat ay kanyang pinaglilingkuran.